Wednesday, December 11, 2013

Hindi Inaasahan

ni Sharina Anne Colina

Mainit. Ramdam na ramdam ko ang pagtulo ng pawis sa aking mukha. Siksikan na naman sa mga bus. Gitgitan at makakarinig na naman ako ng samu’t saring reklamo at kwento mula sa kapwa ko pasahero.
Ako nga pala si Gino. Dalawampu’t isang taong gulang. At ngayon ay susubukan ko ang aking swerte sa pagahahanap ng trabaho tulad kahapon, nung makalawa, nung isang linggo at nung isang buwan. Akala ko ordinaryong araw lang ang lilipas tulad ng dati. Akala ko.

Pagpunta ko  sa abangan ng bus ay may nakabangga akong lalaki. Hindi siya ganoong katanda, siguro kasing tanda lang ni nanay. Kakaiba yung titig niya. Para bang ang laki ng nagawa kong kasalanan. Humingi ako ng pasensya pero hinawakan niya ang braso ko at hinila sa isang tabi. Pagod ako at nagulat ako sa ginawa niya kaya wala akong nagawa kundi  sumunod na lang. May sinabi siya sa akin na talaga namang kagulat-gulat. Nangilabot ako at para bang namutla ng kulay ng mukha ko pagkasabi niya ng mga katagang ‘yon. Nakakahilo. Nanghina ako bigla at nanlamig. Hindi ko namalayan wala na pala yung lalaki. Luminga ako sa paligid pero wala na siya. Asan na? Asan na yung lalaking ‘yon? Wala. Wala talaga siya. Kaya nag-abang na lang ako ng masasakyan pauwi. At pagkasakay ko ng bus pinilit kong wag isipin yung sinabi niya. Sino ba kasi yon? Sino ba siya? Ewan ko. Hindi ko alam. Nakatulog na lang ako sa byahe at sa wakas nakarating na ko sa bahay. Panigurado  aabutan ko na naman ang nanay kong naglalaba habang nagluluto. Masyado kasing masipag. Pwede namang bukas na lang ipagpatuloy yung ginagawa niya. At hindi nga ako nabigo. Naglalaba si nanay. Kami na lang ang magkasama dahil hindi ko na nakilala ang tatay ko. Kaya naman pinangako ko sa aking sarili na hindi ko siya iiwan lalo na sa kanyang pagtanda.

Umaga na at kailangan ko nang bumangon upang muli ay maghanap ng trabaho. Teka ano ‘to? Bakit... Bakit may luha ako? Ahhh. Yung lalaki. Yung lalaking nakabangga ko kagabi napanaginipan ko. Oo nga! Tama! Yun yung panaginip ko. Ahhhhh!!! Yung sinabi niya! Ang sakit! Ang sakit sa ulo! Nangingitib ang utak ko sa tuwing naaalala ko ‘yon. Hindi! Wala lang yon! Kailangan kong kumalma.
Pagbaba ko ng hagdan ay hinanap ko agad ang nanay. “Nay! Nay, asan ka? Anong pagkain natin? Nagugutom na po ako.” Pero teka, iba ata ang nakita ko. Yung lalaki! Yung lalaki nasa loob ng bahay namin! Mataman niya na naman akong tinitignan. Ayan na naman. Ramdam ko na naman ang pagtulo ng malamig kong pawis. Tinititigan niya ko. Tagos hanggang kaluluwa.

“Paano ka nakapasok dito?! Anong kelangan mo?! Umalis ka sa bahay namin!”
“Nak! Ano bang sinisigaw mo diyan? Ang aga-aga e. halika kumain ka na dito,” paglingon ko ay nasa kusina si nanay.
“Nay! Yung lalaki kilala mo ba? Paano siya nakapasok sa bahay?”
“Ha? Sinong lalaki? Anak naman ang aga e nanakot ka diyan. Gutom lang yan. Kumain ka na dito”
Ha? Sinong lalaki? Ayun! Yung lalaking nasa ibaba ng hagdan. Yung lalaking… Asan na? Asan na naman siya? Hampas-lupa naman o! Ano ba’ng nagyayari sa akin? Bakit lagi kong nakikita yung lalaking yon? Sino ba siya?
“Nak! Wag pag-hintayin ang pagkain,” tawag ulit ni nanay.
Wala na akong nagawa kundi sumunod na lang. Lumapit ako at umupo sa hapag.
“Nak. May sasabihin ako sayo.”
 “Ano po yon?”
Inaantay ko magsalita si inay.
“Tao po! Tao po!”
Tumayo si nanay para buksan ang pinto. Si Aling Maring pala. 
“O kumare bat napasyal ka?”
“Naku mare, may opening kasi dun sa restawran ng anak ko eh. Baka interesadong pumasok yang anak mo tutal magaling naman siya.”
Trabaho? Mukhang eto na ata ang pinakhihintay ko.
Tumingin sa akin si nanay at sinabing, “Anak narinig mo yon. Baka gusto mong pumasok dito. Malay mo ay matanggap ka na.”

Sana nga. Siyempre ay pupuntahan ko ang restawran na ‘yon upang mag-apply. Kaya naman kailangan ko nang maghanda para bukas. Pinaghanda ako ng pagkain ni nanay aat isang malaking ngiti ang sinalubong niya sa akin. Mainit na kape, tuyo at sinangag ang iniluto ni nanay. Pampalakas daw sabi ni nanay. Kaya mahal na mahal ko ang nanay ko e.

Pagdating sa restawran ay naging maayos naman ang lahat. Hindi naman sa pagmamayabang pero marami akong alam sa industriyang ito. Sabi nga nila, matalino daw ako at marunong pa sa ibang bagay.Pag uwi sa bahay ay pinasalubungan ko si nanay ng pagkain. Habang nagsasalo ay dinalangin ko na din na sana ay matanggap ako sa trabahong ito.

Lumipas ang isang linggo at tumawag na ang HR ng restawran. Interview daw bukas. Kaya naman naghanda na ko. Kinabukasan ay naging maayos naman ang lahat. Magsisimula na daw ako sa susunod na linggo.
Parang kay bilis lumipas ng panahon. Nakikita ko na lang ang sarili ko na nawiwili sa trabaho at ako ay nawili dito. Kasabay nito ay ang kabila’t kabilang promotion na natanggap ko at nadestino na din ako sa iang sangay ng restawran na aking pinagtatrabahuhan. Napakasarap sa pakiramdam. Bukod sa malaki ang aking kinikita ay nabibili ko na ang lahat ng gusto ko at kung saan saan na din ako nakakapunta dahil sa aking propesyon. Pero kasabay nito ay may nakalimutan din pala ako. Si nanay. Oo nga at binibigyan ko siya ng pera mula sa aking sweldo, ngunit hindi ko siya nabibisita dahil lumipat na ako ng bahay malapit sa aking bagong destinong restawran. Hindi ko na din siya natatawagan o nasusulatan dahil masyado akong busy sa trabaho. Mas kailangan ko pang kumayod nang mabuti.

Nang pauwi na ko sa apartment ko ay may nakita akong lalaking nakatayo sa gate. Parang nakita ko na yung lalaking ‘to. Pamilyar yung tindig niya. Habang papalapit ay unti-unti akong kinakabahan. Hindi ko alam kung bakit. Parang naramdaman ko na ‘to dati. Parehas na kaba at lamig na bumabalot sa paligid. Paglapit ay tama nga ako. Siya nga! Siya na naman! Pinilit kong diinan ang pagkakapikit ng mata ko, nagbabakasakaling sa aking pagdilat ay wala na siya. Sa pagmulat ng mata ko ay wala na siya. Buti naman. Buti na lang. Pagpasok ko ng pintuan ay bigla na lamang humangin at mula sa salamin kung saan nakaipit ang kaisa isa naming larawan ni nanay ay parang birong dinala ito sa aking harapan. Mukhang nagpapahiwatig na ata na dapat ko nang dalawin si nanay.

Kinabukasan ay pumunta ako sa bahay. Parang walang pinagbago. Malinis pa din at masinop ang pagkakaayos ng mga gamit. Ang malaking ikinagulat ko ay ang itsura ni nanay. Bagsak ang katawan at humpak ang pisngi. Gaano na ba katagal nang huli akong dumalaw kay nanay at nakita siya? Isa? Isa’t kalahating taon? Hindi ko alam. Mahigpit akong niyakap ni nanay na bigla na lamang tumulo ang luha mula sa aking mga mata nang sinabi niya ang mga katagang, 
“Anak, hindi matutumbasan ng kahit na anong luho ang oras at panahon namagkasama tayo. Dahil iyon ang tunay na mahalaga. Kaya naman sana ay huwag mo na ulit akong iwan. Natatakot na ako lalo pa ngayon ana ako’y matanda na”

Ngayon ko lang naramdaman. Miss na miss ko na si nanay. Oo nga at naibigay ko sa kanya ang mga pangangailangang materyal niya pero wala ako sa kanyang tabi. Isang matandang nabubuhay ng mag isa sa isang bahay. Anong klaseng anak ba ako? Nagalit ako sa aking tatay dahil iniwan niya kami. Yun pala ay iiwan ko rin ang nanay. Biglang nangirot ang aking dibdib. Tama. Hindi pa huli ang lahat. May panahon pa para makabawi kay nanay. Bukas na bukas din ay babalik ako dito. Ayokong maramdaman ni nanay na mag isa na lamang siya sa buhay kahit nandito pa ako. Hindi ko akalaing ang simpleng pag-uusap namin ni nanay ay makapagdadantay ng ngiti sa aking mga labi. Ang sarap sa pakiramdam. Daig ko pa ang nangibang-bansa sa tagal naming hindi nagkita kaya naman babawi talaga ako sa kanya. Pagkatapos kumain ay pumunta ako sa aking lumang kwarto at may nakita akong isang envelop na nakasulat ang aking pangalan. Parang hindi ko ito nakita noon. Kaya naman ito ay isinilid ko na lang sa bag ko. Natapos ang araw namin at para bang ayoko ng umalis sa tabi niya. Pero kailangan. Habang nagpapaalam ay muli na naman akong napaluha. Ano ba ang pakiramdam na ito? At dumating na nga ang oras na kailangan ko ng umuwi.
Habang pauwi ay binasa ko ang laman ng envelop na sadya kong ikinagulat. Sulat ito mula sa aking ama para sa akin. At ito ang nakapaloob dito.

Mahal kong Gino,

Siguro ay nagtataka kung bakit ngayon lamang ako sumulat sa iyo. Una sa lahat ay nais kong malaman mo na mahal na mahal ko kayong dalawa ng iyong nanay kaya naman ako ay lumayo. Ayokong kayo ay madamay sa away pamilya namin. Madaming kamag-anak ang naiinggit sa atin anak. Kaya naman kinailangan kong lumayo upang hindi na nila kayo guluhin. Sa panahong binabasa mo ito ay wala na ako sa mundong ibabaw. Kaya naman ingatan mo ang iyong ina at mahalin mo siya. Punan mo ang aking mga pagkukulang. Sa oras din na mabasa mo ito ay nasa panganib na ang iyong buhay kaya naman sana ay mag ingat ka. Mag ingat ka at mahal na mahal ko kayo ng iyong ina.

Nagmamahal,
Antonio Bautista

Pagdating sa terminal ng bus ay hindi ko alam ang aking gagawin. Nagugulumihanan ako. Antonio? Hindi ba’t iyon ang pangalan ng may ari ng restawran na pinapasukan ko? Pagtingin ko sa loob ay may nakita akong larawan na sadya naming ikinapanindig ng aking balahibo. Ang lalaki sa larawan at ang lalaking lagi kong nakikita ay iisa. Kung ganon ay ang aking nakikita ay ang aking ama. Hindi ko na alam kung ano ang aking iisipin. Paglingon ko sa kaliwa ay nakita ko na naman siya. Yung lalaki. Si tatay? Bakit? Pinilit kong pumikit at sa aking pagdilat ay siya ang aking nakita. Mukha sa mukha. Muntikan na akong mapasigaw. At may sinabi siya. “… na ang lahat. Huli na ang lahat.” At bigla akong may naramdamang mainit na likidong tumutulo sa aking tagiliran. Ano ito? Dugo? Dugo!

Pagmulat ng aking mata ay purong puti ang aking nakita. Hinanap ko si nanay at nakita ko siya. Buhay pa ba ako? At aking nakita si nanay. Aray! Ang kirot! May kumikirot sa aking tagiliran. At muli, ay unti-unting nagsara ang aking mga mata. Iyon na ang huling sulyap ko sa aking pinakamamahal na ina na umiiyak at naghihinagpis sa aking pagkawala. Bakit? Bakit ako nagbago at kinalimutan ang inay? Sana lamang ay naipadama ko sa kanya ang init ng pgmamahal ko. Sana lamang. Ngayon ay huli na ang lahat pagkat ako’y sinundo na ng aking ama mula sa kabilang buhay.

More on Literary: